Syempre, nag-isip isip din ako ng matagal... kani-kanina lang, about ano bang pwede kong i-blog bago ako mapunta sa kulungan. Charot. O, eto na ang aking mahiwagang tips about academics. Tsaka na tayo mag-usap uli tungkol sa love life mo koyang at ateng. Tsaka na 'yan. Acads acads din.
Dahil nawindang ako sa pagpasok ng Oktubre, syempre di ko namalayan inamag na 'yung kalendaryo ko kasi sa Agosto pa naka-set di ba, gagawa na lang ako ng mga tips na na-synthesize ko mula sa aking struggle sa buhay acads na naging sanhi ng pagkawala ng aking social life, 'yung legit na social life ha. Hindi 'yung social life na nakasabay lang sa jeep at small talk.
Okay, enough with the chitchat. hihi. More time for that at the end of the semester!
1. Gumamit ng organizer, mark your calendars, get set, go! Isa sa mga natutunan ko ngayong semestre ay ang paggamit ng organizer. Ang organizer ay hindi naman kailangang bilihin sa book store o pag-ipunan pa para lang makuha sa Starbucks. Maaaring simpleng maliit na notebook lang kung saan mo isusulat ang mga dapat mo gawin na nai-set mo na or ng professor mo as deadlines ng mga dapat gawin. Isulat mo nang isulat ang mga fixed dates at kahit tentative dates para makita mo kung meron ka nga bang free time at panggimik time. Minsan kasi, sinasabi natin na malayo pa ang three weeks or four weeks pero kapag pala naisulat mo na ang mga dapat mo gawin, wala ka na palang oras kahit sa pagkain o pagtulog. 'Yung totoo, h'wag mag-assume at isulat ang mga dapat isulat. Magandang habit ito.
2. Magplano ahead of time at gawin ang pwede gawin nang mas maaga. Kasunod ito ng paggamit ng organizer o kalendaryo. Ito ang pagplaplano at paglalagay ng step-by-step process ng dapat mo gawin at gawaan mo na rin ang sarili mo ng deadline. For example, kahit na three weeks pa ang deadline ng one-page essay mo sa isang subject, maglaan ka ng time para magbasa about sa isusulat mo kahit tig-30mins every day tapos maglaan ka ng araw para maisulat iyon. Sa halip na magfacebook para magrant sa hindi matapos-tapos na papel, gawin mo na lang. Mapapaganda mo pa ang assignment/project/paper mo laluna kung i-extend pa ng professor ang deadline. Mas magiging bongga na nga ang paper mo, hindi ka pa magcra-cram.
3. Kapag motivated, huwag ipagpaliban. Personally, may times talaga na nagiging active ang pag-secrete ng utak ko ng mga creative juices kaya nagagawa ko ang mga dapat ko gawin. May mga times na naglalaro ako pero itinitigil ko kapag nagkaroon ako ng urge na magsulat tungkol sa isang partikular na subject.
4. Makisali sa mga masisipag mag-aral. Kapag talaga may times na may mahihina ang loob at hindi makatanggi sa mga BI friends, pero parang guilty pleasure ang dating, please lang layuan mo na sila or dumistansya ka na. Mas okay kapag nakikisama ka sa mga masisipag mag-aral. Hoy, wag mo sabihin na boring kasama ang mga masisipag mag-aral. Tingnan mo ako, may sense of humor naman ako a. hahaha.
5. Relax after studying or take a break from what you are doing. Okay lang mag-aral ng sobra pero syempre napapagod din naman ang katawan natin. Iwasan na masyadong magpuyat para todo effort. Mahalaga rin na nakakapagrelax pagkatapos magstudy. Matulog, kumain, mag-enjoy for a few minutes bago uli sumabak sa giyera. Sabi nga ng British motto: All work and no play makes Jack a dumb boy. Syempre, wag naman puro play ateng at koyang. Maawa kayo sa nagpapaaral sa inyo.
6. Have someone to talk to about academic stuff. Ayan, napapa-English na tuloy ako. So ayun nga, kaakibat nito 'yung tip number 4. Maghanap ka ng pwede mo makausap about a certain subject. Healthy rin na makipagsocialize about a lot of things at makakatulong din sa retention ang pakikinig sa ibang tao laluna kung ang pinag-uusapan ninyo ay ang mga dapat pag-usapan about school works and deadlines. Mamaya di mo alam na deadline na pala next week nung plate ninyo, di mo pa alam.
7. Magpaconsult sa professor. Mahalaga ang magpaconsult sa prof laluna kung nalalabuan ka sa subject matter. Hindi naman sila naglalagay ng consultation hours sa syllabus for nothing. Matututo ka na, madali ka pang matatandaan ng professor as a responsible student. Oh, di ba? Pa-impress din 'yun ha.
8. Reward yourself. Kapag nagtop ka sa exam or mataas ang recitation grade mo, huwag matakot na i-reward ang sarili kahit sa simpleng paraan ng pagbili ng paboritong pagkain or clothing para ma-enjoy ang effort sa pag-aaral. Syempre, huwag namang magparty party na parang wala nang bukas. Parang na-perfect mo lang naman 'yung quiz na 5 items lang naman. True or False pa. I-reward ang sarili ng naaayon sa nakamit at ayon sa financial capability.
So, ayan. Pagod na ako. May gagawin pa akong mahalaga. Sa uulitin mga masisipag na mamamayan!
--Girlaloo